Isang babaeng overseas Filipino worker sa Saudi Arabia ang umiiyak na humingi ng tulong matapos niyang isumbong ang panghahalay at pambababoy na ginawa umano sa kaniya ng anak ng kaniyang amo.
Sa ulat ni Lala Roque sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing tatlong linggo pa lang na nagtatrabaho sa kaniyang amo bilang kasambahay ang biktima nang una siyang pagsamantalahan.
Maliban sa panghahalay, may iba pa raw kalaswaang ipinapagawa sa kaniya ang suspek.
At bago raw magsimula ang banal na buwan ng Ramadan, muli raw siyang hinalay nito.
"Naglilinis po ako bigla niya akong pinasok ganung oras din umaga. Sabi ko, maawa ka sa akin," umiiyak niyang kuwento.
Hindi raw kaagad makagawa ng paraan ang OFW dahil hindi niya mailabas ang kaniyang cellphone. Hindi rin daw niya magawang tumakas dahil sa pangambang lalo siyang mapahamak.
"Binababoy nila ako rito. Hindi ako perpektong babae pero hindi ko binebenta ang kaluluwa ko kaya ako nagkatulong," umiiyak pa niyang pahayag.
Nangako naman ang konsulado ng Pilipinas sa KSA na aaksyunan ang kalagayan ng OFW.
"Susubukan nating tawagan 'yung employer at tatanungin ano ba talaga itong sumbong na ito. At kung hindi natin makontak dahil alam mo naman Ramadan ngayon mahirap silang kontakin, bukas na bukas din magpapadala tayo ng tao," pagtiyak ni Edgar Badajos, ng Philippine Consulate General, KSA.
"Ang ginagawa namin, iniimbitahan ng pulis 'yan sa police station at dun pag-uusapan ang reklamo," dagdag niya.
Nanawagan din si Badajos sa iba pang nakakaranas ng ganitong insidente na agad magsumbong sa kanila para magawan ng aksyon. -- FRJ, GMA News
