Nag-uwi ang parangal ang dalawang Pinoy artists na itinanghal na first runner-up sa prestihiyosong international singing competition na I-Sing World sa Paris, France.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing mahigit 50 bansa ang kalahok sa naturang kompetisyon, kung saan nanalong first runner-up sa duet category sina Nicole Anne Forcadela at Nicolas Baser.
Ang kinatawan ng Korea ang itinanghal na grand winner, habang sumunod naman sa Pilipinas bilang second runner up ang pambato ng Saudi Arabia, na kinatawan ng Pinoy singers na nakatira na sa Saudi.
Bukod sa pagiging 2nd runner-up, nakapasok din si Nicole sa top 8 ng solo category.
Ayon kay Nicole, marami silang pagsubok na pinagdaanan bago sila nakarating sa Paris, at naging pamalit lang sila sa orihinal na ilalaban sa kompetisyon na hindi natuloy dahil sa hindi naaprubahan ang visa.
Kaya naman sandali na lang daw ang naging preparasyon nila.
Labis din ang pasasalamat ng dalawa sa natanggap nilang suporta sa mga Pinoy community sa Paris
"Yung mga OFW natin na namalagi na sa France very supportive po sila na kahit out of their schedule sinusuportahan pa rin kami. Talagang pauwi na po kami hinahabol pa kami binibigyan kami ng pasalubong," masayang kuwento ni Nicole. -- FRJ, GMA News
