Nasawi dahil sa labis na pambubugbog sa Sweden ang Pilipinang si Mailyn Conde Sinambong, at sarili niyang asawa ang suspek sa krimen.
Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs, kinilala ang suspek na si Steve Abou Bakr Aalam, ang 50-anyos na asawa ng biktima at isang Swedish actor-director.
"The reports said Aalam has been taken into custody and will be charged with murder," saad ng DFA.
Nasawi si Sinambong, isang 28-anyos na may dalawang anak, noong Setyembre 23 sa bahay nilang mag-asawa sa Kista, hilagang kanluran ng Stockholm.
Nakipag-ugnayan na si Philippine Ambassador to Norway Jocelyn Batoon-Garcia sa ina ni Sinambong para ipahayag ang pakikiramay din ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.
Isang memorial Mass na inorganisa ng Philippine Embassy sa Oslo sa tulong ng mga Pilipinong pari at Filipino community sa Stockholm ang gagawin Martes ng gabi sa Heliga Trefaldighets Catholic Church sa Järfällavägen 150, 177 41 Järfälla, Sweden.
Lumipad na mula Oslo si Consul General Ma. Elena Algabre patungong Stockholm para tumulong sa pagpapabalik sa mga labi ni Sinambong sa Pilipinas at makipagkita sa lawyer at prosecutor na humahawak ng kaso.
Una nang siniguro ni Cayetano sa pamilya ni Sinambong sa Pilipinas na tutulong ang gobyerno sa pagpapabalik sa kaniyang mga labi at para makamit ang hustisya sa kaniyang pagkamatay. —Jamil Santos/JST, GMA News
