Dinadala sa detention center sa Sabah ang mga nahuhuling Filipino na iligal na nananatili sa Malaysia, pati na ang mga bata.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakita ang isang video na kuha ng isang Pinoy na bumisita sa detention facility para tingnan ang kalagayan ng kaniyang mga kababayang dinakip dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento.

Sa video na kuha umano sa Kimanis sa Sabah noong huling linggo ng Setyembre, nagulat daw ang kumuha ng video nang makita na may mga batang Pinoy na kasamang nakadetine.

Kasama raw ng bata ang ina nito na anim na buwang nakulong bago tuluyang mapa-deport sa Pilipinas.

Pero naiwan daw sa Sabah ang kanilang padre de pamilya na patuloy namang umiiwas sa mga awtoridad para hindi mahuli.

Matatandaang na sinimulan ng Malaysia nitong Agosto ang kanilang kampanya laban sa mga dayuhan na iligal na namamalagi sa kanilang bansa.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, karamihan sa mga Pilipino na iligal na naninirahan sa Malaysia ay nasa Sabah na kalapit lang ng Sulu at Tawi-tawi.

Sa kanilang tala, mahigit sa kalahati ng 470,000 Pinoy na nandoon ay ilegal ang pananatili.

Ang lahat ng illegal immigrant na boluntaryong sumuko ay binigyan ng exit pass ng immigration department ng Malaysia at hindi na ibinilanggo o pinagbayad ng mataas na compound fee.

Ang mga walang papeles, kaagad na hinuhuli, idinetine habang pinoproseso ang kanilang deportasyon.

Inaalam naman umano ng DFA ang detalye tungkol sa video na may mga bata sa detention facility sa Sabah.--FRJ, GMA News