Isang overseas Filipino worker (OFW) na kadarating lang sa Jeddah, Saudi Arabia para magtrabaho bilang kasambahay ang inihatid ng kaniyang amo sa konsulado ng Pilipinas matapos na magbantang magpapatiwakal kapag hindi pinayagang makauwi.

Napag-alaman na Disyembre 6 lang nang dumating sa Jeddah ang OFW na itinago sa pangalang "Gina," pero pinaniniwalaang nangulila na kaagad ito sa kaniyang pamilya kaya gusto nang bumalik kaagad sa Pilipinas.

Nadatnan umano ng kaniyang amo ang OFW na umiiyak at may hawak na patalim na tila umano magpapatiwakal. Dahil sa insidente, pumayag ang amo nito na dalhin siya sa konsulado at doon ipinakita ang video ni Gina habang umiiyak at may hawak na patalim.

Ayon pa sa amo ni Gina, ilang araw pa lang matapos na mamasukan sa kanila ang OFW, kaagad nilang napansin na tila malungkot ito at kakaiba ang ikinikilos.

Hindi rin umano maiwan ng amo ang kaniyang mga anak kay Gina dahil sa pangamba na may gawin itong hindi maganda.

Unang dinala si Gina sa tanggapan ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) officer Marlyn Jamero, para payapain ang OFW. Kinalaunan, inamin ni Gina kay Assistant Labor Attaché Germie Daytoc na totoo ang mga sinasabi ng kaniyang amo.

Aminado rin siyang nami-miss niya ang dalawa niyang anak sa Pilipinas.

“Sa trabaho kayang-kaya ko yung trabaho, kahit anong klaseng trabaho ang ipagawa,  'yun lang po talaga homesick lang po,” naiiyak na sabi ni Gina.

Ayon kay Daytoc, karaniwan ang problema ni Gina sa mga inang OFW.

“In her case nakita natin na 12 days pa lang siya dito sa Jeddah, maganda naman yung pakikitungo ng kaniyang employer ngunit nakita natin na out of, you know, lungkot, nagawa niya ang bagay na ganon kaya natatakot ang employer niya at dinala sya dito sa atin sa konsulada,” sabi ni Daytoc.

Dahil din sa insidente, sinabi ni Daytoc, na magkakaroon ng kaunting pagbabago sa Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) na ibinibigay sa mga papaalis na OFW.

“I-introduce natin more on psychological na mga bagay, how to cope up with homesickness, siguro sa PDOS natin. I suggest na sana ay isa 'yan sa dapat na tutukan o major topic 'yan na puwedeng gastusan ng mahaba-habang panahon bago natin papuntahin ang ating mga kababayan sa ibat ibang bansa,” anang opisyal na nangakong tutulungan si Gina na makabalik na sa bansa.--FRJ, GMA News