Isang OFW na nagtatrabaho bilang kasambahay sa Jeddah, Saudi Arabia  ang ipinaaresto ng kaniyang amo matapos niyang mahuli na nagpapasok ng boyfriend sa kaniyang pamamahay.

Sa ekslusibong panayam ng GMA News kay Roda, liason officer ng Saudi Recruitment Agency na nag-deploy sa nasabing kasambahay, sinabi nito na nangyari ang insidente isang lingo pa lamang ang nakakaraan.

“May pasok po sa trabaho ang mga amo ni Shiela (hindi tunay na pangalan), kaso mukhang may nakalimutan kaya bumalik ng bahay nila ng wala sa oras kaya doon naaktuhan itong si Shiela na may kasamang ibang lahi sa bahay ng amo,” kuwento ni Roda.

Agad naman daw inasikaso ng kanilang manager ang problema at napakaiusapan ang employer na iurong na ang kaso at nangakong magpapadala ng bagong kasambahay kapalit ni Sheila ayon kay Roda.

“Mabuti na lang po at mabait pa rin ang employer at napapayag na iurong na lang ang kaso laban kay Sheila,” dagdag ni Roda.

Agad daw nila ipinaalam sa Philippine Overseas Labor Office ang insidente.

Sa panayam kay Labor Attache Nasser Munder noong Martes, sinabi nito na ang 24-anyos na si Sheila ay nagkaroon daw ng nobyo na ibang lahi sa pamamagitan ng Facebook at napag-alaman nila na madalas daw na pinapapasok ang boyfriend nito sa bahay kapag wala ang mga amo.

Mabuti na lang daw at sa sala natiyempuhan ng amo ang boyfriend ni Shiela at hindi sa kuwarto tulad ng ibang mga kahalintulad na kaso na nai-report sa kanila, ayon kay Munder.

Muling nagbabala si Munder sa mga OFW, lalo na sa mga nagtatrabaho sa bahay, na I respeto ang kultura ng host country at huwag gumawa ng mga bagay na bawal na maaari nilang ikapahamak.

“Nananawagan ako na iwasan gumawa ng mga ganoong bagay, alam naman po natin na napakahigpit ng host country lalo na sa kaso ng imoralidad, sana hindi na ito maulit dahil kami ditto sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) hindi lang isa hanggang tatlong beses naming nakakatanggap ng ganyang mga kaso iwasan nyo magkaroon ng boyfriend, lolokohin lang kayo nang mga iyan, ang ipinunta nyo ditto ay magtrabaho, kung love ang hahanapin nyo ay duon na lang kayo sa atin.” Pagtatapos ni Munder.

Sa pakikipagtulungan ng POLO sa Jeddah at ng agency, sinabing napauwi ng Pilipinas si Shiela nito lamang nakaraang lingo. —LBG, GMA News