Aabot sa 200 Filipino teachers na mahusay sa English ang kailangan sa Thailand, ayon sa ulat ng GMA News’ "Unang Balita" nitong Miyerkoles.


Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), government to government ang transaksyon sa pagkuha ng mga English teacher kaya hindi na kailangan dumaan sa agency ang mga mag-a-apply at wala ring placement fee.

Sinabing aabot umano sa P30,000 ang buwanang sahod sa mga matatanggap.

Gayunman, hindi naman papayagan na mag-apply sa naturang trabaho ang mga public school teacher para hindi mabawasan ang mga nagtuturo sa mga public school sa bansa.

Mayroon din umanong 100,000 trabaho na maaaring aplayan ang mga Pinoy sa bansang Japan.

Payo ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga interesadong mag-apply, bisitahin ang website ng POEA upang hindi sila mabiktima ng mga manloloko.—FRJ, GMA News