Isang Filipino-American ang dinakip ng mga awtoridad sa Amerika matapos na mabisto ang plano umano niyang pag-atake sa Los Angeles, California.
Kinilala ang suspek na nasa kostudiya ng FBI-Joint Terrorism Task Force na si Mark Steven Domingo, 26-anyos, na mula Reseda, California.
Dati umanong miyembro ng U.S. Army si Domingo at na-deploy noon sa giyera sa Afghanistan.
Ayon sa LA Department of Justice, sinabi umano ni Domingo na balak niyang pasabugin sa pamamagitan ng improvised explosive device, ang isang rally ng white nationalist group sa Long beach, California.
Plano rin daw ng suspek na atakihin ang ilan pang lugar sa California.
Nakasaad din saw sa affidavit ni Domingo na bumili siya ng mga mahabang pako na ilalagay niya sa gagawing IED upang makalikha ng mas matinding pinsala sa mga tao.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ni U.S. Attorney Nick Hanna sa pahayag na, "This investigation successfully disrupted a very real threat posed by a trained combat soldier who repeatedly stated he wanted to cause the maximum number of casualties.”
Nabisto umano ng mga awtoridad ang plano ni Domingo, nang makakuha sila ng impormasyon mula sa isang private online chat room nitong Marso.
Nakasaad umano sa mga mensahe sa char room ang pagpapahayag ni Domingo ng suporta sa Islamic militants at kagustuhan nitong ipaghiganti ang mga pag-atake sa mga Muslim.
“Often we are asked what keeps us up at night. This is a case that keeps us up at night,” sabi ni Ryan Young, special agent na namamahala sa FBI’s Joint Terrorism Task Force. -- Reuters/FRJ, GMA News
