Dumating na sa bansa ang mga labi ng dalawa sa tatlong mangingisdang Pinoy na nasawi matapos na bumagsak ang isang tulay sa Taiwan.

Sa ulat ng GMA News TV Live nitong Huwebes, kinilala ang mga nasawi na sina Andree Serencio at Gorge Impang.

Samantala, patuloy umanong ipinoproseso ang mga dokumento para maiuwi na rin ang mga labi ng isa pang Pinoy na si Romulo Escalicas Jr.

Nasa bangka ang tatlo at nakahimpil sa pantalan nang mabagsakan sila ng mahabang tulay sa Taiwan noong Oktubre 2.

Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration na pagkakalooban ng nararapat na tulong ang pamilya ng mga biktima tulad ng scholarship sa kanilang mga naiwang mga anak.

Nangako rin ang pamahalaan ng Taiwan na magbibigay ng tulong sa pamilya ng mga biktima. — FRJ, GMA News