Mahigit 700 Filipino na nadetine sa Sabah, Malaysia dahil sa problema sa dokumentasyon ang nakauwi na sa Pilipinas sa tulong ng Department of Foreign Affairs.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng DFA na nagsagawa ng "mission" sa Sabah at Sarawak nitong nakaraang linggo ang Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs at Philippine Embassy sa Kuala Lumpur.

Binayaran umano at inasikaso ng DFA ang immigration documents at exit visas ng 763 Pinoy sa Sabah para makabiyahe na sila pabalik sa Zamboanga.

Sinaksihan pa umano ng grupo ng DFA sa Sabah port ang maayos na pagpapabalik sa mga Pinoy sa Pilipinas.

Bukod dito, binisita rin ng mission team para pasayahin at alamin ang mga kailangan ng mga Pinoy na nakapiit sa Sabah at Sarawak.

"In Sarawak, the Team called on Immigration Director Datu Ken Leben and his senior officers. Aside from exchanging data, the Team was also given a brief orientation on the immigration processes in Sarawak," ayon sa pahayag.

Umaasa ang DFA na makatutulong ang magandang ugnayan ng dalawang bansa para mapahusay ang pagresolba sa mga usapin na kinakaharap ng mga Pinoy na nagkakaproblema kapag nagpunta sa nabanggit na lugar. --FRJ, GMA News