Itinanggi ng ilang Filipino na nananatili sa Wuhan City sa China na walang katotohanan na nagkakagulo na sa lungsod dahil isinailalim sa lockdown ang lugar para mapigilan ang pagkalat pa ng 2019 Novel Coronavirus o nCoV.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, ipinakita ang video ng ilang Pinoy coordinator at volunteer sa Wuhan na namimili ng mga kailangan ng iba nilang kababayan na hindi nakalalabas ng bahay.
Ang Wuhan ang itinuturong "ground zero" o pinagmulan ng nCoV.
"Wala pong chaos. Fake po iyong chaos at apocalypse dito," sabi ng mga Pinoy.
Dahil sa lockdown, paralisado ang pampublikong transportasyon at limitado ang galaw ng mga tao roon.
Ayon sa Philippine Ambassador to China Chito Sto. Romana, tinatayang nasa 150 Pinoy ang nasa Wuhan.
Dahil marami sa mga Pinoy ang nananatili lang sa kanilang tinitirhan, ang mga volunteer at coordinator ang bumibili at namamahagi ng grocery items para sa kanila.
Umabot na sa 106 katao ang nasawi sa China dahil sa naturang virus, at mahigit 1,000 na ang infected sa iba't ibang bahagi ng mundo.
Nag-anunsiyo na ang mga gobyerno ng Japan, France, South Korea, Germany, Morocco at Kazakhstan na ililikas na nila ang kanilang mga kababayan mula sa Wuhan.
Sa isa pang video, ipinakita naman ng isang OFW sa Wuhan ang sitwasyon sa kanilang kinalalagyan na lubha umanong tahimik.
Ang isang parke na dati raw na laging maraming tao ay wala nang dumadaan ngayon mula nang ipatupad ang lockdown sa lungsod.
Pero ang pagiging tahimik lang daw sa lungsod ang naging pagbabago sa lugar dahil walang mga pampublikong sasakyan na bumibiyahe.
Nilinaw din niya na mayroon namang mga private vehicle na maaaring upahan para makabiyahe at may mga grocery store na mabibilhan ng kanilang mga kailangan.
Ngunit dahil na rin sa takot na baka mahawahan ng virus, mas pinipili na lang umano ng mga Pinoy na manatili na lang sa kanilang tinitirhan.
Sinabi naman ng isa pang OFW, may ilang Pinoy na nagbago na ng isip at nais na lang manatili sa Wuhan dahil mas ligtas umano kaysa umuwi pa at baka makapanghawa.
Naniniwala rin ang OFW na ginagawa ng mga kinauukulan sa Wuhan at ng pamahalaan ng China ang lahat para mapigil na ang pagkalat ng virus. --FRJ, GMA News
