Naninirahan man ngayon sa ibang bansa, mga lutong Pinoy pa rin ang inihahanda ng ilang Pinay sa kanilang mga pamilya, na pasado rin sa panlasa ng kanilang mga foreigner na asawa at mga anak.

Si Ginalyn Reigel na may YouTube channel na "The Riegel Twins Show," laging inihahanda ng adobo, piniritong lumpia at pansit ang mga Fil-Am niyang anak niyang sina Dawson at Brayden, pati na rin ang kaniyang stepdaughters.

"Medyo adjusted na sa food pero I'm still looking for Filipino food kaya lagi pa rin akong nagluluto ng mga Filipino food. Hahanap-hanapin talaga natin," sabi ni Ginalyn.

Bukod dito, sinasanay din ni Ginalyn ang kaniyang mga anak na kumain ng turon, puto, bibingka, casava cake, champorado at ube pandesal.

Si Tonette Arellano naman na napangasawa ang Koreano na si Papa Alex, pinapatikim din ang kanilang mga anak ng monggo at adobo.

Pinoy foods din ang naging daan ni Tonette para makuha ang loob ng kaniyang mga biyenan. Pasado sa Koreano niyang pamilya ang banana bread at kutsinta.

Panoorin ang kanilang mga kuwento sa "Family Time" ng GMA News and Public Affairs sa video sa itaas. – Jamil Santos/RC, GMA News