Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na 57 porsiyento ng tinatayang 400,000 overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng COVID-19 pandemic at kailangang maiuwi sa Pilipinas ang natulungan nang nakabalik sa bansa.

Inihayag ito ni Bello sa pagdinig ng Senate Committee on Finance nitong Huwebes ukol sa P27.5-bilyong budget ng DOLE sa 2021.

“Of the 400,000 OFWs needing repatriation, we were able to repatriate at least 229,000 as of 1 a.m. today. Meron pang naiwan, and this will continue to increase because of the effects of COVID-19,” sabi ni Bello.

Inihayag pa ni Bello na hindi kasama sa 400,000 ang mga undocumented OFWs na kasama rin sa mga tinulungang makauwi sa bansa.

“Basta po 'pag may lumapit sa amin, hindi na po namin tinatanong kung documented o undocumented,” dagdag niya.

Ayon pa sa kalihim, tinatayang nasa 1,000 hanggang 3,000 OFWs ang nare-repatriate kadawa araw sa bansa.

Samantala, nilinaw naman ni Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, na para sa isang miyembro lang ng pamilya ang ipagkakaloob na college scholarship assistance para sa magkokolehiyong anak ng anak ng OFWs na nasawi, nawalan ng trabaho, o pinauwi sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

“40% po nung may repatriates so far ay may dependent na nasa college, and this could still increase,” ani Tutay.

“Hindi po pa namin alam kung ilan talaga. Iyong repatriate po na OFW, mamimili po sila ng isang dependent para sa scholarship program,” dagdag niya.

Una rito, iniulat na nagkakahalaga ng P30,000 ang educational assistance program na matatanggap ng mga kalipikadong anak ng OFWs.—FRJ, GMA News