Makatatanggap ng P30,000 educational assistance ang mga magkokolehiyong anak ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasawi, pinauwi, o nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing ang naturang one-time financial assistance ay nakapaloob sa Tabang OFW Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Commission on Higher Education (CHED).

Naglaan umano ang pamahalaan ng P1 bilyong pondo para sa tinatayang 30,000 OFW beneficiaries.

Target ng DOLE at CHED na simulan ang pamamahagi ng educational assistance simula sa Oktubre kapag naisaayos na ang listahan ng mga kalipikadong anak ng mga OFW.
Ayon kay DOLE undersecretary Dominique Tutay, magkakaroon din ng pagpupulong para suriin ang magiging listahan kung tutugma ito sa listahan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

“Initially po kasi, out of the 500 profiles for instance na ibinibigay po sa amin ng mga returness, nung sinala po namin, may mga dalawang daan lamang po ‘yung qualified,” sabi ni Tutay.

“So we want more profiles to be submitted by OWWA to the Department of Labor and Employment,” dagdag niya.

Para makinabang sa programa, dapat makapagpakita ng patunay na naka-enroll o mag-e-enroll ang anak ng OFW sa CHED-accredited o recognized colleges o university. --FRJ, GMA News