Nagsisimula na umano ang ilang bansa na luwagan ang kanilang travel restrictions at naghahanda na ring tumanggap ng mga dayuhang manggagawa kabilang ang mga OFW, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Sa Laging Handa public briefing nitong Biyernes, sinabi ni POEA administrator Bernard Olalia, na magandang balita ang unti-unti pagluluwag sa travel restrictions ng ilang bansa dahil indikasyon ito na malapit na ring magbukas muli ang mga oportunidad sa mga OFW na nawalan ng trabaho at umuwi ng Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic.

“Unti -nti na pong nagluluwag ang mga travel restriction at lockdown sa iba’t ibang destination-labor countries natin tulad po halimbawa ng Middle East,” sabi ni Olalia.

“Kamakailan lang nag-anunsyo na ang Bahrain at ang KSA o Kingdom of Saudi Arabia na sila ay tatanggap na muli ng foreign workers, particularly ‘yung mga OFWs.... Ang trabaho na in-demand ay mga skilled workers natin,” dagdag niya.

Sa Asya, sinabi ni Olalia na nagsisimula na ring maghanap ng mga skilled at domestic foreign worker ang Hong Kong at bansang Singapore at Brunei.

“Sa Canada at UK (United Kingdom) unti-unti na ring tumatanggap. Ang in-demand po riyan ngayon ay healthcare workers katulad ng nurses natin,” sabi pa ng opisyal.

“Sa ibang lugar, sa Cuba meron nang tinatanggap katulad ng construction workers,” patuloy niya.

Una rito, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na 57 porsiyento ng 400,000 OFWs na naapektuhan ng pandemya ang natulungan na ng pamahalaan na makauwi ng Pilipinas.

Tiniyak ni Bello na iuuwi ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang mauwi rin ang iba pang OFW na nais nang bumalik sa bansa.--FRJ, GMA News