Nanawagan ang isang grupo ng overseas Filipino workers (OFWs) na tulungan silang makauwi na sa Pilipinas matapos na hindi umano asikasuhin ng kanilang employer ang kanilang exit visa kahit matagal nang tapos ang kanilang kontrata sa Jeddah, Saudi Arabia.
Sa ulat ni Nico Waje sa "Stand For Truth," sinabing mga dating empleyado sa isang restaurant ang mga OFW na nakatengga lang ngayon sa Jeddah.
Pansamantala silang nananatili sa barracks ng kanilang kompanya, ngunit halos paubos na rin ang kanilang natitirang pera para sa kanilang pagkain.
Ayon kay Renerick Agojo, dating supervisor at walong taong nanilbihan sa restaurant, 2018 pa nagkaroon ng problema ang kanilang kompanya, na nagdahilan na wala nang pondo kaya laging late ang sahod ng mga empleyado.
Nakadagdag pa sa problema ng mga OFW ang COVID-19 pandemic.
"Noong March po, noong nagkaroon ng COVID, wala na po silang pakialam. Nag-close na po 'yung restaurant, 'yung ibang branches namin nagsara na tapos ang sabi sa amin walang pera, hindi kami pasasahurin," ani Agojo.
Ilan pa sa mga empleyado ang hindi pa nakukuha ang kanilang sahod magmula pa noong Disyembre.
Nakatatanggap daw sila ng 250 Riyal o mahigit P3,000 kada dalawang linggo bilang food allowance, pero kinakaltas naman ito sa kanilang mga na-delay na sahod at benefits.
Hindi rin sila makapag-apply dahil dalawa o tatlong taon nang expired ang kanilang iqama o resident ID para makapagtrabaho sa Saudi.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Cacdac, isang opsiyon ang deportation, kung saan tatanggapin ng mga OFW na TNT sila at lumabag sa immigration laws.
Malabo naman ang repatriation sa mga OFW dahil kailangan ng exit visa na hindi makukuha hangga't hindi nare-renew ang kanilang iqama.
Sinabi ng OWWA na tutulungan nilang masampahan ng kaso ang employer ng mga OFW.-- FRJ, GMA News

