Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkamatay ng isang Filipina sa United Arab Emirates na sinasabing tumalon mula sa ikaanim na palapag ng isang gusali para takasan ang mga pulis na humahabol sa kaniya noong Oktubre 25, sa Sharjah.

Ayon kay Consul General Paul Raymund Cortes, pinuno ng Philippine mission na nakasasakop sa lugar na pinangyarihan ng insidente, nakausap na nila ang kaanak ng 40-anyos na nasawing Pinay para sa gagawing pag-uwi sa mga labi nito.

“We have reached out to the family. We will work on the shipment of remains pending investigation by appropriate UAE authorities po,” sabi ni Cortes sa GMA News Online.

Batay sa lumabas na mga ulat sa local media, nahulog umano mula sa balkonahe ng isang gusali sa Al Majaz ang biktima.

Sa ulat ng The National, sinabing natanggap umano ng Sharjah Police ang impormasyon tungkol sa insidente dakong 3 a.m. Patay na rin umano ang biktima nang dumating ang ambulasiya.

Iniulat naman ng Al Ittihad, na iniutos ng piskalya na dalhin ang mga labi ng biktima sa crime laboratory bilang bahagi ng imbestigasyon na ipinaubaya naman sa Al Buhaira Police Station.

Ayon naman sa Gulf News, nasa isang apartment sa gusali ang Pinay at kasama ang isang Arabo. Pero hindi umano alam ng may-ari ng apartment ang pag-okupa ng dalawa sa kanilang tinutuluyan.

Dahil dito, tumawag ng pulis ang may-ari ng apartment na dahilan para umano para tumakas ang Pinay at tumalon mula sa balkonahe.

Nasa kostudiya naman ng mga pulis ang kasama niyang Arabo at iniimbestigahan.—FRJ, GMA News