Iginiit ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na walang kaakibat na kondisyon ang ibinigay na tulong pinansiyal ng kagawaran sa kasambahay na nakita sa CCTV na ilang ulit sinaktan ng Philippine ambassador to Brazil.
“I am reaching out to her with financial help right now as an OFW, without any conditions because we are DFA not animals; we help the helpless period, no exchange; helping is its own exchange. It is our job to help,” saad ni Locsin sa Twitter post.https://twitter.com/teddyboylocsin/status/1322020017500610561
Una rito, sinabi ni Locsin na sinimulan na ng DFA ang paunang imbestigasyon kay Ambassador Marichu Mauro, ang amo ng kasambahay.
Ang DFA fact-finding team ay binubuo nina Consul General to Sydney Ezzedin Tago, Chief of Mission I Jaime Ledda, Narciso Castañeda BAC, at Atty. Ihna Alyssa Marie Santos, FSO IV, HRMO.
Pinauwi na ng DFA si Mauro mula sa Brazil, habang nakabalik na sa Pilipinas ang kasambahay.
Ayon kay Locsin, pinadalhan na ng show cause order si Mauro upang pagpaliwanagin sa lumabas na video na paulit-ulit niyang sinaktan ang kaniyang kasambahay.
Si Senador Juan Miguel Zubiri, nais na patawan ng mabigat na parusa si Mauro base sa lumabas na video.
Ayon kay Locsin, ipapataw nila ang kaukulang parusa kay Mauro batay sa magiging resulta ng imbestigasyon.--FRJ, GMA News

