Inihayag ni Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr. na dumating na sa bansa ang embahadora ng Pilipinas sa Brazil na iniimbestigahan dahil sa pananakit umano sa kaniyang kasambahay na Pinay.

Ayon kay  Locsin, dumating sa bansa nitong Lunes ng gabi si Marichu Mauro.

“She has gone through all health protocols. She’s back in the country,” sabi ni Locsin panayam ng CNN Philippines nitong Martes.

Isang lupon ang binuo ni Locsin para imbestigahan ang kumalat na CCTV footages na nakitang sinasaktan ni Mauro ang kaniyang Pinay na kasambahay sa Brazil.

Kaagad na iniutos ng DFA na bumalik sa bansa si Mauro.

Kasabay nito, itinanggi ni Locsin na wala siyang alam tungkol sa umano'y grupo ng mga career officer at dating mga diplomat na sumusuporta kay Mauro.

“The Department of Foreign Affairs  nor am I is aware of the existence of a so-called Department of Foreign Affairs career officers corps and the retired ambassadors association," ayon sa kalihim.

"The reported statement of such organizations on the case of the former ambassador to Brazil does not in any way reflect the position of the department nor the sentiment of its career corps,” giit niya.

Nanindigan din si Locsin na, "The DFA stands by its resolve to respond to the matter in accordance with and to the fullest extent of the law.”

Itinanggi rin ng ilang career diplomats and officers naman na nakapanayam ng GMA News Online ang naturang pahayag ng suporta kay Mauro.

Inaasahan ng DFA na matatapos ang imbestigasyon kay Mauro sa loob ng dalawang linggo, at ipadadala ang resulta nito kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Tiniyak naman ni Locsin na mabibigyan ng patas na imbestigasyon si Mauro bagaman sinabi ng kalihim na mahirap nang itanggi ang mga nakita sa video tungkol sa paulit-ulit na pananakit ng opisyal sa kaniyang kasambahay.

“I will get down to the bottom of this,” ayon kay Locsin.

Nauna nang nakabalik sa Pilipinas noong nakaraang buwan ang kasambahay at napagkalooban na raw ito ng tulong ng DFA, ayon kay Locsin sa nakaraang niyang pahayag.—FRJ, GMA News