Nakauwi na sa Pilipinas ang isang overseas Filipino worker na hinalay at sinasaksak ng isang pulis sa Kuwaiti walong taon na ang nakalilipas.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng Department of Labor and Employment, sinabing nakapiling na ng OFW ang kaniyang pamilya matapos na manatili sa Migrant Workers and Other Filipino Resource Center ng walong taon habang hinihintay ang resulta ng kaso na isinampa laban sa pulis.

Ayon kay Labor Attaché Nasser Mustafa, kabilang ang OFW sa 76 na iba pang OFW na kinalinga sa half-way house ang nakauwi na sa Pilipinas.

Taong 2006 umano nang magtungo sa Kuwait ang OFW bilang domestic worker pero kinalaunan ay inilipat sa dress shop.

Habang nire-renew ang kaniyang residence visa, sinabi ni Mustafa na nahuli ng Kuwaiti policeman ang biktimang OFW noong 2012.

Pero sa halip na dalhin siya sa presinto, dinala sa disyerto ang biktima at ginahasa sa loob ng patrol car.

Sinaksak pa ang biktima sa leeg at likod at saka iniwan sa disyerto.

Nagawa naman ng biktima na makagapang hanggang sa makarating sa kalsada at nakahingi ng tulong sa dumadaan na motorista na nagdala sa kaniya sa ospital.

Taong 2014, nahatulang guilty ang pulis at pinatawan ng parusang kamatayan. Pero iniapela ang kaso at naibaba ang sentensiya ng pulis sa habambuhay na pagkakakulong.

Bukod sa pagkakakulong ng pulis, ginawaran din ng halagang katumbas ng P3 milyon ang OFW bilang danyos.

Binati at pinasalamatan naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Philippine Overseas Labor Office at Philippine Embassy sa Kuwait sa pagtutok at pagpanalo sa kaso ng OFW, hanggang sa maiuwi siya sa bansa.—FRJ, GMA News