Isang Filipino seaman ang nasawi nang tumama siya sa deck ng barko matapos hampasin sila ng malalaking alon habang naglalakbay sa karagatan patungo sa Canada.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, kinilala ang seaman na si Jake Marinduque. May tatlong iba pa raw ang nasaktan.

Galing umano ang barkong sinasakyan ni Marinduque sa Norfolk, Virginia sa Amerika at patungo sa  Halifax, Nova Scotia sa Canada nang maranasan nila ang masamang panahon.

Nalaman ng misis ni Marinduque na si Kathleen ang nangyari sa kaniyang asawa noong Enero 31, pero ipinaalam sa kaniya na patay na asawa sa sumunod na araw pa.

“Dumating po ako doon sa opisina. Tsaka lang nila sinabi na wala na siya, na siya lang ang nawala, na humampas siya, may malakas na alon, humampas siya. ‘Yun lang po, tumama siya sa bakal,” ayon kay Kathleen.

Buhay pa umano si Marinduque nang madala sa infirmary ng barko pero pumanaw din pagkaraan ng tatlong oras.

Base sa impormasyon na nakalap ng pamilya mula sa mga awtoridad ng Canada, nasawi si Marinduque dahil sa mga pinsalang tinamo sa ulo, dibdib at gulugod.

Tatlo kasamahan pa ni Marinduque ang nasaktan sa insidente pero hindi raw nasundo ng helicopter mula sa barko dahil sa masamang lagay ng panahon.

Hindi naman naiwasan ni Kathleen na magtaka kung bakit nasa deck ang kaniyang asawa gayung masama ang panahon.

“May mga messages ‘yung mga seaman sa akin na sila daw kapag may makakasalubong na bagyo, 'pag alam na nila na andito, magrere-route daw ‘yung kapitan. Sila aalamin na nila kung saan puwedeng dumaan. Bakit hindi nila ginawa iyon, diba? Tapos nagta-trabaho pa po sila,” hinanakit ni Kathleen.

Nais din ng pamilya na magsagawa ng imbestigasyon ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) tungkol sa reklamo ni Marinduque tungkol sa overtime schedule at kakulangan ng panahon na makapagpahinga.

Sinubukan ng GMA News na makuha ang panig ang manpower agency na Elburg Shipmanagement perong sumasagot sa kanilang telepono.

Kinukuhanan pa ng pahayag ang OWWA pero ayon sa pamilya ni Marinduque ay nakipag-ugnayan na ang ahensiya sa kanila.

Hindi pa batid kung kailan maiuuwi ang mga labi ni Marinduque at ano ang danyos na posibleng matanggp ng kaniyang pamilya.--FRJ, GMA News