Isang overseas Filipino worker na negatibo ang resulta ng COVID-19 test bago umalis ng Pilipinas ang nagpositibo naman sa virus nang dumating sa Hong Kong.
Sa ulat ng GMA GMA News' Unang Balita, sinabing may dalang sertipikasyon ang OFW mula sa isang ospital na nakasaad na negatibo siya sa COVID-19.
Pero nang isailalim siya sa swab test sa Hong Kong nang dumating noong Marso 13, positibo ang naging resulta.
Kaya mula sa airport, dinala ang OFW sa isang ospital sakay ng ambulansiya.
Nakaranas umano ng lagnat at pagsusuka ang OFW.
Pagkaraan ng pitong araw, dinala siya ng kaniyang employer sa isang kotel para tapusin ang kaniyang quarantine.
Sinagot din ng kaniyang amo ang lahat ng gastusin.
Hindi naman masabi kung saan nakuha ng OFW ang virus.
Nitong Linggo, iniulat ng Department of Foreign Affairs na umabot na sa 16,406 ang kabuuang bilang ng mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng COVID-19. —FRJ, GMA News

