Hindi muna paliliparin papuntang Israel ang mga overseas Filipino worker habang patuloy ang bakbakan ng Israeli forces at mga militanteng Hamas sa Gaza.

Ito ang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Huwebes, kasabay ng paglilinaw na hindi "deployment ban" ng OFWs ang naturang kautusan.

"We have not banned the deployment of our workers to Israel. The processing of those who already qualified continues,” sabi ni Bello.

“We are merely suspending their actual departure while the tension is still high,” dagdag niya.

Sa hiwalay na text message, sinabi ng kalihim na patuloy ang pagproseso sa aplikasyon ng mga OFW na nais magtrabaho sa Israel.

Ayon sa DOLE, mayroong 400 OFWs ang nakatakda sang bumiyahe patungong Israel ngayong buwan.

Sinabi naman ni presidential spokesperson Harry Roque na suportado ng Palasyo ang hakbang ng DOLE.

“Suportado po ng Malacañang ang naging desisyon ni Secretary Bello na panandaliang itigil muna ang pagpapadala ng mga OFWs sa lugar ng Israel sa Gitnang Silangan dahil nga po sa tumitinding labanan doon,” saad ni Roque sa Palace briefing.

“Ito naman po ay para mapangalagaan nga ang kaligtasan ng ating mga kababayan. Siyempre habang naghahanda tayo na i-evacuate at i-repatriate ang ating mga kababayan doon eh bakit tayo magpapadala ng mga bagong mga OFWs doon din,” dagdag niya.

Halos dalawang linggo nang nagpapalitan ng bomba ang Israeli at Palestinian forces.

Tinatayang mahigit 227 Palestinian na ang nasawi at 12 naman sa Israel.

Inilagay naman ng Department of Foreign Affairs sa Israel at West Bank sa Alert Level 1 category, habang Alert Level 2 sa Gaza.

Sa Alert Level 1 na pinakamababang security category ng Pilipinas para sa mga Pinoy sa abroad. Hindi pa kailangang ilikas ang mga Pinoy pero kailangan silang mag-ingat at iwasan ang mga lugar na may kaguluhan.

Sa Level 2, nililimitahan na ang pagkilos ng Pinoy, at pinapayuhang iwasan ang mga lugar na may nagaganap na protesta at maghanda sakaling kailanganing lumikas na.

Tinatayang 29,473 ang Pinoy na nasa Israel at 91 naman sa Gaza.

Paliwanag ni Bello, “Ang pakiusap ko pa sa ating mga paalis na caregivers at health care workers ay ipagpaliban ng ilang araw ang kanilang biyahe upang hindi sila mapahamak.”

“Sagutin ko po sila kay Pangulong Duterte kung ano man ang mangyari sa kanila in case sila ay umalis sa kabila ng mataas na tension doon sa Israel,” paliwanag ng kalihim.—FRJ, GMA News