Inilabas na ng Santa Clara County Sheriff's Office ang video ng kanilang pagtugon sa nangyaring mass shooting sa San Jose, California na may isang Pilipino na nasawi.

Sa video ng Santa Clara County Sheriff's Office, na mapapanood sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita ang dahan-dahang pagpasok ng pulisya sa gusali ng Santa Clara Valley Transportation Authority (VTA).

BASAHIN: Pinoy na nasawi sa mass shooting sa California, itinuturing na bayani ng kapatid

Ilang putok ng baril ang narinig ng mga awtoridad pagkapasok nila sa gusali.

Sunod na tumambad sa mga pulis ang wala nang buhay na gunman na si Samuel Cassidy, na nagbaril umano sa sarili.

Bago ang insidente, nakuhanan ang suspek na tumatawid sa gusali kung saan siya namaril.

Maliban sa kaniya, siyam na empleyado ng VTA ang namatay sa pamamaril, kabilang ang Pinoy na si Paul Mejia.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.—Jamil Santos/FRJ, GMA News