Kabilang ang isang Filipina at kaniyang mister sa mahigit 150 katao na nawawala matapos na gumuho ang bahagi ng 12-palapag na Champlain Towers South condo building sa Surfside, Florida noong nakaraang linggo.

Hindi pa rin nakikita ang mag-asawang Maricoy Obias-Bonnefoy at Claudio Bonnefoy,  na nakatira sa Unit 1001 na nasa ika-10 palapag ng gusali.

Sa Twitter post, humingi ng tulong si Jonathan Sanchez, pamangkin ng mag-asawa, sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa nawawala niyang tiyuhin at tiyahin.

 

 

Ang pinsan ni Maricoy na si Ajit Jimenez, humingi rin ng panalangin sa kaniyang Facebook account.

Nitong Linggo, umakyat na sa siyam ang bangkay na nakuha sa gumuhong gusali.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing hindi nagiging madali ang ginagawang search and rescue operation sa lugar dahil nagkaroon ng sunog sa ilalim ng guho. 

Pinaniniwalaang nakontrol na ang naturang pag-apoy.

Umaasa naman ang mga opisyal na may makikita pa silang buhay sa ilalim ng guho.— FRJ, GMA News