Isang cargo ship ang sumadsad at nahati sa dalawa sa karagatan ng northern Japan, ayon sa kanilang coastguard nitong Huwebes. Nailigtas naman ang crew ng naturang Panama-flagged vessel na kinabibilangan ng mga Pinoy at Chinese.

Sa larawan, makikita ang isang bahagi ng barkong Crimson Polaris na nakalutang pero ang isang bahagi ay halos malubog na sa tubig, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.

Mayroon ding langis na tumagas mula sa barko pero hindi pa malinaw kung gaano kalawak ang pinsala sa karagatan, ayon sa tagapagsalita ng coastguard.

"Crimson Polaris ran aground in Hachinohe port in Aomori," ayon sa tagapagsalita.

"All the 21 crew members—Chinese and Filipino—were rescued safely," dagdag nito.

Tatlong patrol boats at tatlong aircraft ang ipinadala sa lugar nang mangyari ang sakuna.

Wala naman umanong ibang barko na sangkot sa insidente.— FRJ, GMA News