Nakaranas umano ng pagmamaltrato ang limang Filipina domestic helper sa kanilang mga amo na dati umanong heneral ang lalaki sa Saudi Arabia.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nakaranas din ng pananakit ang mga OFW sa asawa at mga anak ng heneral.

"Pinagsisipa po ako sa ari ng ilang beses. Hindi ko po alam kung ano pong dahilan," sabi ni Ely Mae.

Ayon naman kay Analyn, inutusan din siya ng kaniyang amo na magbalot ng ilegal na droga.

"Hindi ko po sukat akalain na 'yong magiging trabaho ko doon ay isa pala akong tagabalot ng droga niya at 'pag hindi po ako sumunod, sinasabunutan niya at susunugin ng sigarilyo," kuwento niya.

Nakaisip naman ng paraan ang mga Pinay para magkaroon sila ng "panlaban" sa mga abusadong amo sa pamamagitan ng pagkuha ng video sa anak ng mga ito habang gumagamit ng droga.

Kinalaunan, dinala ng amo ang mga Pinay sa labor office sa Riyadh at binigyan sila ng tig-P150,000 para makauwi sa bansa.

Pero nababahala sila sa mga Pinay na pumalit sa kanila nang umalis sila.

"There are isolated cases involving cases like this but the POLOs are addressing these issues by ensuring through verification process that only compliant and qualified employers will be selected," sabi ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) administrator Bernard Olalia.

Sinusubukan ng GMA News na makuha ang panig ng recruitment agency ng mga Pinay.--FRJ, GMA News