Tinatayang 24,000 passport application ang hindi naprosesyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa maling mga impormasyon nakalagay tulad ng pangalan at birth date ng aplikante.

Gayunman, sinabi ni DFA Undersecretary Brigido Dulay sa panayam ng GMA News’ Unang Balita nitong Huwebes, na apat lang sa 100 aplikante ang may problema sa aplikasyon.

Kamakailan lang, ilang nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa ang sumugod sa tanggapan ng DFA upang ireklamo ang matagal na pagproseso at pagdeliber sa kanilang mga pasaporte.

Dahil sa kawalan ng pasaporte, nanganganib umano ang aplikasyon nila sa papasukang trabaho.

Inirereklamo rin nila na wala silang makausap para mapagtanungan tungkol sa pagkakaantala ng pagbibigay ng kanilang pasaporte.

Payo ni Dulay sa mga OFW na kailangan ng pasaporte, gamitin ang "courtesy lane" para sa kanila o kumuha ng appointment sa online system sa website ng DFA.

Maaari din umanong sumulat sa oca.cl@dfa.gov.ph at sabihin ang mga detalye at pangangailangan sa pasaporte.

Mayroon din umanong passport tracker sa website ng DFA para sa mga aplikante, ayon kay Dulay.—FRJ, GMA News