Boboto ang Pilipinas pabor sa resolusyon ng United Nations General Assembly na nagkokondena sa ginawa ng Russia na "unprovoked armed aggression" laban sa Ukraine.

Sa pahayag kasunod ng pambihirang special emergency session ng UNGA, umapela ang Philippines delegation na protektahan ang mga sibilyan at tapusin na ang kaguluhan sa Ukraine.

Idinagdag nito na, "while an offense can be stopped at will, the defense cannot rest until the offense stops."

 

 

Ang UNGA emergency session, na nagsimula 10 a.m. local time (11 p.m. Philippines time) ay ginawa matapos na gamitin ng Russia ang veto power nito nitong Biyernes para pigilan ang Security Council resolution na nagkokondena sa ginawang pagsalakay ng kanilang militar sa Ukraine.

Una rito, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na magiging "neutral" o walang kakampihan ang pamahalaan ng Pilipinas sa nangyayaring sagupaan ng Russia at Ukraine.

Pero sa isang presidential debate nitong Miyerkules, sinabi ni presidential candidate at senador na si Panfilo Lacson, na dapat makiisa ang Pilipinas sa “peace-loving” countries na pumupuna sa ginawa ng Russia.

Kahit malayo ang Pilipinas, sinabi ng senador na madadamay ang Pilipinas sa usapin ng ekonomiya kapag lumala ang sitwasyon at posibleng magbigay ng maling mensahe sa ibang bansa ang ginawa ng Russia.

“Join the community of nations in condemning kasi (because) after all it is an encroachment on international law… Ang delikado pa sa atin kasi kung ma-establish ang precedent na ‘yung Russia puwede pala mag-invade ng sinasabi nilang territory nila baka...mangyari naman sa atin sa mga islands natin sa West Philippine Sea. Huwag naman sana. ‘Yon ang mga implikasyon na hindi natin mahulaan e,” paliwanag niya.

Ayon sa UN, ito ang unang UNGA emergency special session mula noong 1982.

Huwebes noong nakaraang linggo ng simulan ng Russia ang pag-atake sa Ukrain. Idinahilan ni Russian President Vladimir Putin, na humingi sa kaniya ng tulong ang separatist leaders ng Donetsk at Lugansk regions sa Ukraine, para pigilan ang pag-atake umano sa kanila ng puwersa ng Ukraine.

Itinuturing din ni Putin na banta sa Russia ang Ukraine kaya isinagawa ang pagsalakay para lumpuhin ang kakayanang militar nito.

Gayunman, hindi pinaniniwalaan ng Western countries at United Nations ang mga dahilan ni Putin. Nilabag umano ng Russia ang Article 2 ng UN Charter, na nagtatakda sa mga miyembro na huwag gumamit ng dahas at pananakot sa pagresolba sa mga sigalot. — FRJ, GMA News