Inihayag ng Department of Foreign Affairs na 63 Filipino na nanggaling sa Ukraine ang nakauwi na sa Pilipinas.

"We are happy that 199 Filipinos are already out of harm's way. A total of 63 have arrived from Ukraine, and 136 are awaiting repatriation,” pahayag ni DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola sa Laging Handa briefing nitong Miyerkules.

Itinaas nitong Lunes ng DFA sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Ukraine dahil sa paglala ng sitwasyon doon bunga ng ginagawang pag-atake ng Russia.

Dahil dito, iniutos na ng DFA ang sapilitang paglilikas ng mga Pinoy sa Ukraine.

Ayon kay Arriola, mayroon pa ring mga Pinoy sa Ukraine ang tumatangging umuwi ng bansa. Hindi umano maiwan ng mga ito ang kanilang trabaho at ang iba ay nagkaroon na ng pamilya doon.

“Doon po talaga sa iba who refused to go back home, binigyan natin sila ng financial assistance mula sa Honorary Consulate natin sa Kyiv at ‘yung presence ng ating embahada sa Lviv. ‘Yung ating seafarers, nakikipag-ugnayan ang DFA with POEA (Philippine Overseas Employment Administration) and the local manning agencies, and we’re doing everything we can para ma-extract sila,” ayon sa opisyal.

Sinabi pa ni Arriola na nakikipag-ugnanayan din ang DFA sa ibang ahensiya tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD), para matulungan ang mga uuwing Pinoy.

“Specially, kailangan din po nila ng stress debriefing dahil napansin po namin doon sa ibang umuwi, lalo na doon sa galing sa matindi ‘yung armed conflict, medyo meron pa rin silang war shock at medyo tulala pa ‘yung ang ating mga kababayan which is understandable,” paliwanag niya.

Una nang iniulat na mayroong mahigit 300 Pinoy ang nagtatrabaho at naninirahan sa Ukraine.—FRJ, GMA News