Iniutos na ng pamahalaan ng Pilipinas ang mandatory evacuation ng lahat ng Pinoy sa Ukraine dahil sa paglala ng sitwasyon doon bunga ng pagsalakay ng Russia.

"Due to the rapidly deteriorating security situation in Ukraine, the Department of Foreign Affairs has raised the crisis alert level for all areas in Ukraine to Alert Level 4 (Mandatory Repatriation)," nakasaad sa inilabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs nitong Lunes.

Sa ilalim ng Crisis Alert Level 4, obligado nang umalis ang mga Pinoy sa lugar at ang pamahalaan ng Pilipinas ang gagastos sa paglilikas sa kanila.

"Filipinos in Ukraine will be assisted by the Philippine Embassy in Poland and the Rapid Response Team, which are currently assisting Filipino nationals for repatriation and relocation," ayon sa DFA.

Mahigit 300 Pinoy ang naninirahan at nagtatrabaho sa Ukraine. Ilang Pinoy na ang nakauwi sa Pilipinas, at may mga lumipat din sa mga bansang nasa border ng Ukraine.

Tinataya ng DFA na mahigit 100 Pinoy pa ang nananatili sa Ukraine.

Ang Philippine Embassy sa Warsaw, Poland ang may hurisdiksiyon sa Ukraine.

Una rito, pumayag ang Poland, kalapit ng Ukraine, na tanggapin ang mga inililikas na Filipino doon kahit wala silang entry visa. --FRJ, GMA News