NEW YORK - Tatlong Pinoy ang mga panibagong biktima ng unprovoked attack sa mga Asian American sa New York nitong buwan ng Marso.

Inoobserbahan ngayon sa isang ospital sa New York ang isang 67-taong gulang na lola matapos na bugbugin ito ng 42-taong gulang na suspek na nakilalang si Tammel Esco.

Sa video na inilabas ng Yonkers Police Department, makikita na 125 na suntok at pitong tadyak ang inabot ng biktima na nagtamo ng facial bone fractures, brain bleeding at multiple contusions sa ulo.

Ayon sa Yonkers Police, papauwi na ang biktima nang pagsisigawan siya ng racial slur ng suspek. Hindi naman pinansin ng biktima ito. Hindi rin niya namalayan na sinundan pala siya ng suspek hanggang makapasok ito sa apartment building kung saan siya binugbog.

Sa video, makikita na dinuraan pa ng suspek ang duguan at nakahandusay na biktima bago tumakas.

Agad namang nahuli ang suspek ng mga rumespondeng pulis hindi kalayuan sa pinangyarihan ng krimen.

Mahaharap sa kasong attempted murder at hate crime ang suspek na kasalukuyang nakakulong sa Westchester County Jail.

Mariing kinondena ni Consul General Elmer Cato ang pag-atake sa biktimang nakatatanda. Masusi rin umano silang nakikipag-ugnayan sa awtoridad kaugnay sa nangyaring insidente.

"We are outraged by this unspeakable act committed against an elderly member of the Filipino Community. This is the third incident in less than a week where elderly kababayan have become victims of random violence," anang opisyal sa tweet.

 

 

Sa train station

Bago ang insidenteng ito, dalawang Pinoy din ang nabiktima ng unprovoked attack sa dalawang train stations sa New York.

Sa public advisory ng Philippine Consulate sa New York, kinilala lamang ang dalawang biktima sa kanilang edad na 50 's at isang nasa 65-anyos. Umano'y itinulak ng dalawang suspek ang mga biktima sa magkahiwalay na train station sa Queens.

 

Muling pinaalalahanan ng Konsulado ang mga kababayan sa New York na mag-ingat at agad na mag-report sa 911 kung sila ay mabibiktima ng ganitong insidente. Agad daw na ipagbigay-alam sa Konsulado ang insidente sa pamamagitan ng Philippine Consulate national hotline number (917) 239-4119.

Wala pang detalye na inilalabas ang Philippine Consulate kung na-ireport ba sa New York Police Department ang nasabing dalawang insidente. —KG/FRJ, GMA News