Sa hangaring masuportahan ang pangangailangan ng pamilya, nagtrabaho bilang domestic helper sa Riyadh, Saudi Arabia ang isang 24-anyos na ginang. Pero naging malupit umano sa kaniya ang kaniyang naging amo.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "Sumbungan ng Bayan" sa "24 Oras," sinabing tiniis ng biktimang si Janine Mallari, na mawalay sa kaniyang dalawang taong gulang na anak.

Pero hindi niya kinaya ang pagmamaltrato ng among babae at humantong siya sa pag-inom ng chemical bleach at naospital.

Makikita sa larawan ang binti ni Mallari na may mga paso at pasa.

“Yung amo kong babae, ayaw na kinakausap ko yung pamilya ko, anak ko po. Ayaw niya po na may pahinga… nung nagpabalik po ako ng agency binalik din po ako ng agency don sa amo ko. Ayaw po nila akong i-change employer,” sabi ni Mallari.

Bago ang naturang insidente, nakiusap na raw si Mallari sa kaniyang agency na PHILAMASIA Labor Pool na tulungan siya at ihanap ng ibang amo pero wala umanong nangyari.

Habang sa manatili siya sa staff house ng counterpart ng agency nito sa Riyadh kung saan nanatili siya ng halos isang buwan.

Dito na idinulog ang kaso ni Millari sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at natuklasan na hindi inireport ng kaniyang agency ang mga nangyari sa OFW.

“Wala pong report made yung agency..within ito sa critical incident considering na may attempt to take her own life,” ayon kay Atty. Francis Ron de Guzman.

Kung mapapatunayan na nagpabaya, maaari umanong masuspindi ang agency o alisan ito ng lisensiya.

Maaari ding ipa-blacklist ang employer ni Millari.

“Kung mapapatunayan natin na may negligence sa part ng agency maaaring mauwi sa posibleng suspension nang mas matagal pa o posibleng cancellation ng license ng agency. We will also initiate the necessary proceedings against the employer nang di na makapagpadala doon in the future,” anang abogado.

Samantala, pinabulaanan naman ng PHILAMASIA Labor Pool, ang alegasyon ni Mallari na nagpabaya sila.

Katunayan, ang employer umano ni Mallari ang nagbayad sa gamot at pagkakaospital nito. Hindi rin daw madali na magpalit ng amo sa KSA dahil sa sponsorship-based Visa system ng naturang bansa.

Nakabalik na sa Pilipinas si Mallari noong Marso 25, at nagpasalamat siya sa ginawang pagtulong ng Sumbungan ng Bayan.

Tiniyak naman ng POEA ang pagtulong kay Mallari, pati na ang pagkuha ng mga benepisyo na nararapat para sa kaniya.

“We will readily endorse this to OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) para po makuha na po yung benefits niya at may masimulan siya dito pagbalik niya,” ani de Guzman.

--FRJ, GMA News