Inihayag ng Philippine Consulate General sa New York na walang Filipino na nadamay o nasaktan sa nangyaring pamamaril sa subway sa New York City, USA.

Batay ito sa inilabas na ulat ng New York City Police Department kaugnay sa nangyaring pamamaril at paggamit ng smoke bombs na 29 katao ang nasaktan at nasugatan.

"The New York City Police Department has just informed @PHinNewYork that there are no Filipinos among the at least 29 people who were reported injured in the mass shooting on the N train in Brooklyn on Tuesday morning," saad sa tweet ni Elmer Cato ng Philippine Consulate General sa New York Elmer.

Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na isang tao lang ang may kagagawan ng pag-atake sa Manhattan-bound subway train.

Sampu ang sinasabing tinamaan ng bala ng baril, may mga nasaktan nang magtakbuhan, at may mga naospital dahil sa nalanghap mula sa smoke bomb na kagagawan rin ng salarin.

Kaagad na nagsagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad at naaresto ang suspek na si Frank Robert James, 62-anyos.

"My fellow New Yorkers, we got him. We got him," pag-anunsyo ni Mayor Eric Adams sa press conference. "We're going to protect the people of this city and apprehend those who believe they can bring terror to everyday New Yorkers."

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang motibo ni James sa ginawang pag-atake. Pero mayroon umanong mga Youtube post na pinaniniwalaang kay James na patungkol sa kalagayan ng mga homeless at subway sa NY.--FRJ, GMA News