Isang overseas Filipino worker sa Thailand ang nakauwi sa Pilipinas matapos makalikom ng pambili ng plane ticket sa pamamagitan ng “paper clip challenge.”

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing 2015 nang mauwi ang paper clip challenge at nag-trend sa internet.

Sa naturang challenge, ipagpapalit ang paper clip sa anumang bagay na mas mataas ang halaga. Hanggang sa ang bagay na makukuha, ipagpapalit sa iba pang bagay mula sa taong hindi kilala.

Disyembre 2021 nang gawin ng Pinoy na si Clint Lozada ang challenge, at wet tissue ang unang bagay na naipalit niya sa paper clip na nahingi lang niya.

Ang wet tissue, napalitan naman ng face mask mula sa grupo ng mga Pinoy Thailand.

Ang naturang face mask, naipagpalit naman niya sa isang cell phone case na ang halaga ay THB1,790 o katumbas na ng P2,786.

Pero habang tumataas ang presyo ng produkto, nagiging pahirapan na maipagpalit ito. Problema rin ni Clint ang language barrier sa challenge.

Nang lumubha ang sitwasyon ng COVID-19 sa Thailand, napilitan si Clint na gawin ito online.

Makaraang ang dalawang buwan na paghihintay, may nakipag-trade kay Clint. Pero hindi na rin kinuha ang phone case dahil naniniwala sila sa pakay ng Pinoy.

“Kahit maraming negativity ngayon na nangyayari, meron at merong mga taong taos-pusong tutulong sa’yo,” ani Clint.

At ang huling item na tatapos sa kaniyang challenge para makabili ng plane ticket pauwi ng Pilipinas, kababayang Pinoy din ang sumalo habang nasa airport siya.

Kaya pagkaraan ng dalawang taon at apat na buwan na pagsasagawa ni Clint ng paper clip challenge sa Thailand, nakauwi na rin siya sa kaniyang pamilya sa Bacolod. – FRJ, GMA News