Gagawaran ng prestihiyosong George Cross award sa United Kingdom ang isang Pinay nurse na siyang kauna-unahang nagturok ng COVID-19 vaccine sa buong mundo.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing bibigyan ng parangal si May Parsons bilang kinatawan ng National Health Service, ang healthcare service ng UK.

Kasama ni Parsons si National Health Service Chief Executive Amanda Pritchard.

Kinilala si Parsons sa ipinakita niyang kabayanihan at katapangan sa panahon ng matinding panganib dulot ng COVID-19 pandemic.

Si Parsons ang kauna-unahang nurse na nagturok ng COVID-19 vaccine noong Disyembre 8, 2020, na hudyat ng pag-uumpisa ng malawakang COVID-19 vaccine drive sa buong mundo.

Sinabi ni Parsons na malaking karangalan na mapabilang sa mga taong makatatanggap ng award.

Igagawad ni Queen Elizabeth II at Prince Charles sa Windsor Castle ang parangal sa Hulyo 12.--Jamil Santos/FRJ, GMA News