Simula ngayong Huwebes, September 29, 2022, visa-free na ulit ang mga Pinoy na nais pumunta sa Taiwan, batay sa anunsyo ng Bureau of Consular Affairs (BOCA) ng Taiwan.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita," inihayag ng BOCA na epektibo ang naturang programa hanggang July 31, 2023.
Maaaring manatili sa naturang teritoryo ang mga Pinoy ng hanggang 14 na araw.
"Nationals of Philippines (effective till July 31, 2023), except those holding diplomatic or official/service passports, are eligible for the visa exemption program, with a duration of stay of up to 14 days," ayon sa BOCA na makikita sa kanilang website.
Sakop ng visa-free privilege ang mga aktibidad na hindi na kailangan ng permit gaya ng may bibisitahing kamag-anak, may dadaluhang social events, turismo, fact-finding missions at international exchanges.
Para sa buong detalye, maaaring bisitahin ang website ng BOCA.
Unang isinama ng Taiwan ang mga Filipino sa kanilang visa-free policy sa isinagawang nine-month trial period noong November 2017 hanggang July 2018.
Mula noon, pinapalawig na ang programa hanggang sa pansamantalang matigil dahil sa travel restrictions dulot ng COVID-19 pandemic. —FRJ, GMA News
