Apat na taong nagtrabaho bilang kasambahay sa Saudi Arabia ang isang ginang mula sa Mindanao para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Pero sa kaniyang pag-uwi, nagkaroon siya ng karamdaman na nagpalobo sa kaniyang tiyan at may tila gumagalaw.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Chenie Cerbania, 31-anyos, na 2016 nang magtrabaho siya sa KSA para na rin sa kinabukasan ng tatlo nilang anak ng kaniyang asawa.

Sa panahon na nagtatrabaho sa abroad, sinabi ni Chenie na naging tapat siya sa kaniyang asawa. Pero habang nagtatrabaho doon, nakaramdam ng pananakit sa tiyan si Chenie.

At nang lumala, dinala siya sa ospital kung saan naratay siya ng ilang linggo. Ang resulta ng pagsusuri sa kaniya sa KSA, mayroon siyang inflammation of bowel disease o IBD.

Gayunman, hindi siya basta naniwala sa resulta ng pagsusuri. Nagpatingin din siya sa ibang pagamutan na ibinabase rin sa naunang pagsusuri ang lagay ng kaniyang kalusugan. Hanggang sa tumagal,  naubos na raw kaniyang naipon nang umuwi siya sa Pilipinas.

Nagpatingin din siya sa mga albularyo at ang sinabi umano ng mga "manggagamot" na dahilan ng paglaki ng kaniyang tiyan ay kulam o barang umano na kagagawan daw ng kaniyang nakagalit.

Sinabihan din siya ng mga "manggagamot" na may peste na ipinasok sa kaniyang tiyan na dahilan kaya gumagalaw ito at sumasakit. Wala namang maisip si Chenie na nakagalit niya.

Ayon pa kay Chenie, inakala maging ng kaniyang anak na buntis siya kaya lumaki ang kaniyang tiyan. Pero imposible raw itong mangyari dahil bukod sa magkalayo sila ng kaniyang mister, naging tapat din siya sa asawa habang nasa abroad siya.

At sa paglaki ng tiyan ni Chenie, bumagsak na rin ang kaniyang timbang at nagkaroon ng manas sa paa, binti at hita.

Kapansin-pansin nang kunan ng video na tila may gumagalaw at umaalon-alon ang tiyan ni Chenie. Aniya, masakit ang kaniyang nararamdaman na tila puputok ang kaniyang tiyan.

Ano nga ba ang nangyari kay Chenie? Tunghayan ang resulta nang isinagawang ultrasound sa kaniyang tiyan. Panoorin. --FRJ, GMA News