Nasa 4,800 na inabandonang balikbayan boxes ang libreng ihahatid mismo ng Bureau of Customs (BOC) sa pamilya ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagpadala nito, at hindi na kailangan pa na sila ang kukuha.

Target umano ng BOC na mai-deliver ang nasabing packages bago sumapit ang Pasko, ayon sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes.

Isang linggo ang inaasahang delivery period para sa mga balikbayan boxes patungong Metro Manila, isa hanggang dalawa para sa Luzon, habang dalawa hanggang apat na linggo naman para sa mga packages na ihahatid sa Visayas at Mindanao.

“Bago po mag-pasko titiyakin namin na nasa kanila na ‘yung boxes nila,” ani BOC Director Michael Fermin.

Aabot sa 4,800 ang mga nasabing balikbayan boxes na inabandona ng mga forwarding companies. Sa nasabing bilang, 80% ng mga kahon ay galing sa United Arab Emirates (UAE).

Kung tutuusin, hindi na dapat makukuha ng mga pamilya ng OFW ang mga padala dahil hindi nabayaran ang buwis ng mga ito.

Ilang beses na raw nangyari ang ganitong modus operandi ng ilang tiwaling forwarding companies. Para hindi na maulit, hinimok ng BOC ang Department of Trade and Industry na ibalik ang listahan ng blacklisted na mga forwarding companies.

Sa tulong naman ng Department of Migrant Workers (DMW), balak din na sampahan ng kaso ng BOC laban sa Allwin Balikbayan Cargo at Island Kabayan Express — parehong kumpanya na hindi nagbayad ng buwis para sa mga balikbayan box.

“Ini-establish lang po ang ating mga ebidensiya as to the pattern and repeated practice that would establish the element of fraud in the filing of cases,” sabi ni Fermin.

Sinusubukan ng GMA News na kunin ang pahayag ng dalawang kompanya.

Ayon sa BOC, mahigit limang milyon na balikbayan boxes ang ipinadala sa bansa noong 2021. Inaasahan ng customs na dodoble ito ngayong taon.

Payo naman ng BOC sa mga OFWs, i-check muna sa kanilang website at sa DMW kung accredited ang forwarding companies na kanilang pagkakatiwalaan upang masiguro na makakarating sa pagbibigyan ang kanilang mga ipapadala. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News