Nangangailangan ang Hong Kong ng nasa 7,000 caregivers dahil sa tumataas na populasyon nito ng mga nakatatanda. Ang sahod, aabot umano sa katumbas na halagang P100,000 kada buwan.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kabilang sa mga nais na tanggapin ng nasabing teritoryo ng China ang mga Pinoy caregiver dahil sa pagiging kilala na maaruga at masipag.
Magiging bentahe umano ng aplikante kung marunong ng Cantonese na kadalasang wika ng mga nasa Hong Kong.
Magandang pagkakataon umano ito dahil nagkaroon na ng bilateral meeting ang Department of Migrant Workers ni Secretary Susan Ople at Labor and Welfare Minister ng Hong Kong.
"Nasa around 12,000 to 20,000 Hong Kong dollars [ang sahod]. If converted into pesos, nasa P85,000 to P140,000. Subject to negotiations, subject to an agreement," sabi ni Ople.
Bumuo na ng team ang DMW na magtutungo sa Hong Kong para plantsahin ang kasunduan ng Pilipinas at Hong Kong, kasama na ang sahod, benepisyo at detalye ng kontrata para masigurong protektado ang mga Pinoy.
Samantala, sa mga nagbabalak lumipad pa-Germany, isinasapinal na ang pag-uusap para sa pagpapadala ng mga Pinoy healthcare at skilled workers doon.
Naghahanap naman ang South Korea ng dagdag na factory at agricultural worker, kaya tinaasan na ang bilang ng mga Pinoy na puwedeng magtrabaho roon.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
