Isang overseas Filipino worker (OFW) ang nailigtas sa Saudi Arabia matapos umanong makaranas ng pagmamaltrato mula sa kaniyang amo.

Ayon kay Emilia, isang kasambahay, pinagpapalo siya ng tungkod na bakal ng kaniyang among lalaki kaya nagkulay-talong ang kaliwang bahagi ng kaniyang katawan.

Sa panayam ng GMA Integrated News, sinabi ni Emilia na nagalit ang kaniyang amo dahil hindi raw napapakain ng husto ang ina nitong diabetic.

Iniligtas si Emilia ng mga tauhan ng Migrant Workers Office kasama ang mga otoridad ng Saudi Arabia matapos makatanggap ng request for assistance mula sa ilang concerned OFWs.

"Hinahawakan pa rin ang matanda habang ako ay pinapalo at hindi po ako nakasalag dahil hawak ko ang amo kasama ang isa pang kasambahay," ani Emilia, na mahigit isang taon nang nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

Bukod sa panghahampas ay pinagsasampal din umano si Emilia ng kaniyang amo. Pinagbantaan din daw siyang papatayin kapag nagsumbong siya sa kaniyang pamilya.

"Isi-send niya [raw] ang aking bangkay sa aking pamilya. Doon ako na-trauma, doon ako natakot," ani Emilia, na isang single mom at may isang anak.

"Inisip ko ang anak ko, 'yun masakit sa loob ko dahil first time nangyari sa akin ito," dagdag pa niya.

Ayon kay Assistant Labor Attache Antoino Mutuc ng Migrant Workers Office sa Riyadh, nagsampa na sila ng reklamo laban sa employer ni Emilia.

Naidulog daw sa kanilang tanggapan ang nangyari kay Emilia nitong Sabado na agad naman nilang naipalam sa agency para matawagan ang employer para ma-pullout ang worker.

Hindi raw nakipag-coordinate ang employer kaya agad daw nilang ipinagbigay alam sa mga otodirad ang nangyari kay Emilia.

"Unfortunately po naging uncooperative po ang employer kaya ang ginawa po namin kinabukasan ay nagpunta na po ang aming Welfare Officer na si Jack Arroyo at mga kasama neto sa pinakamalapit na police station sa area kung saan nagtatrabaho si Emilia para makapag-file ng blotter para mapullout si Emila," ani Mutuc.

Agad namang kumilos ang mga alagad ng batas ng Saudi Arabia kaya nakuha nitong Martes si Emilia.  —KBK, GMA Integrated News