Inaresto ng mga awtoridad sa New York City ang dalawa sa mga suspek na umatake umano sa mag-inang Fil-Am, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

"Sasampahan ng kaso ng State at New York City itong dalawang nahuli," ayon kay DFA Assistant Secretary Paul Raymund Cortes sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles.

Ayon kay Cortes, may isa pang suspek na hinahanap ang mga awtoridad.

Kasama noong nakaraang linggo ni Cecille Martinez-Lai ang kaniyang 24-anyos na anak, nang atakihin sila ng mga suspek na dalawang lalaki at isang babae.

Ayon kay Cecille, kabababa lang nila ng sasakyan nang bumaba rin ang mga suspek mula sa isang SUV at pinagsabihan sila na "ugly Asians."

Sabi ni Cecille, isa sa mga suspek ang nagbago sa kanila ng tubig, dahilan para ibato niya ang hawak na pagkain sa sasakyan ng mga suspek.

Sinuntok din umano ng mga suspek si Cecille at ang anak nito.

Inilabas ng New York Police District (NYPD) ang CCTV footage na makikita ang pananakit sa mga biktima, gayundin ang pag-alis ng mga suspek.

Ayon kay Cortes, dinala ng mga bystander sa ospital ang mag-ina at tumawag ng 911.

"Ang ating dalawang kababayan na nabiktima ng hate crime sa New York ay okay na po sila. They're just undergoing a little medical procedure, nag-MRI po yata to make sure walang internal bleeding 'yung mag-ina," dagdag niya.

"Alam niyo po ang New York City malaki ang network nila when it comes to fighting hate crime. In fact, according to the New York Police Department, medyo bumaba ang hate crime in the past couple of months. And 'yung mga ganitong klaseng insidente, isolated as they are, siyempre nakakabahala din po," sabi pa ni Cortes.—FRJ, GMA Integrated News