Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na walang indikasyon na hate crime [base sa lahi] ang nangyaring pag-araro ng isang SUV hit sa grupo ng Filipino bikers na ikinasugat ng 15 biktima.
"So far, walang indication na hate crime ito kasi mayroong tradition ang Kuwait na ang mga driver ayaw talaga sa cyclists. Kaya ang iniisip nila, this will lead to more calls sa cyclists na kailangan bigyan ng better protection ang cyclists, malinaw na bike lanes," ayon kay De Vega sa public briefing.
Ayon pa sa opisyal, mayroon na rin umanong mga nangyaring insidente na hindi mga Filipino ang sangkot.
Una nang inihayag ng Department of Foreign Affairs na sumuko na sa mga awtoridad ang driver ng SUV na nakaaksidente sa mga Pinoy.
Maaari umanong maharap sa kaso ang driver kapag napatunayan na hindi siya naging maingat sa pagmamaneho, ayon pa kay De Vega.
Una nang iniulat na nasa bike lane ang mahigit 30 ang Pinoy bikers nang mangyari ang insidente. — FRJ, GMA Integrated News

