Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na isang milyong trabaho ang bubuksan umano ng Saudi Arabia para sa mga Filipino worker.
Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Martes, sinabi ni DMW Secretary Susan Ople na magkakaroon ng special hiring program para sa mga Filipino skilled worker.
Darating umano sa bansa sa Hunyo ang mga labor official ng Saudi Arabia kaugnay ng gagawing special hiring program.
Una nang sinabi ni Ople ang posibilidad na magkaroon ng joint special hiring program dahil sa isinusulong ng Saudi Arabia na palakasin ang kanilang tourism industry.
Ayon pa sa kalihim, pinag-aaralan din ng Saudi Arabia ang posibilidad na mamuhunan sa Pilipinas.—FRJ, GMA Integrated News
