CALIFORNIA - Hinatulan ng pitong taong pagkakakulong ang isang 18-taong gulang na lalaki sa California sa pagkakapatay sa isang Pilipino sa isang road rage incident noong 2022.
Ayon sa Alameda County Sheriff's Office nitong Sabado, hinatulan ng jail term si Sergio Morales-Jacquez dahil sa kasong homicide kung saan naging biktima si Rienheart Asuncion na isang Pilipino.
Nangyari ang road rage incident sa Lewelling Boulevard malapit sa Hesperian Boulevard sa San Lorenzo, California noong Setyembre 18, 2022.
Base sa imbestigasyon, napag-alamang nagmamaneho noon ng isang nakaw na sasakyan ang 17-taong gulang na si Morales-Jacquez nang makagitgitan ang biktima. Binaril ng suspek ang biktima at agad siyang tumakas, dagdag ng Alameda County Sheriff's Office.
Natunton ng mga awtoridad si Morales-Jacquez na nasa kustodiya pala ng Juvenile Justice Center para sa gun charges na hindi konektado sa nasabing road rage incident.
Naging person of interest din siya sa dalawa pang homicide na kaso, dagdag ng Alameda County Sheriff's Office.
Kinasuhan ng murder nitong Marso si Morales-Jacquez bilang juvenile para sa pagkakapaslang kay Asuncion.
Ayon sa batas ng California, ang mga juvenile offenders ay mananatili sa kustodiya ng Juvenile Justice Center hanggang maging 25-taong gulang sila.
Nang maging 18-anyos na si Morales-Jacquez ay hinatulan na siya ng pitong taong pagkakakulong para sa pagkakapatay kay Asuncion.
Isang factory worker sa Tesla ang 30-anyos na si Asuncion.
Ayon sa Go Fund Me page na ginawa ng kanyang kaibigan, papuntang grocery store si Asuncion noon at naka-video call sa kanyang misis na nasa Pilipinas nang pagbabarilin ito.
Halos apat na buwan pa lang daw na kasal si Asuncion sa asawa nito nang mangyari ang insidente. —KG, GMA Integrated News

