Limang araw na umanong nawawala ang babaeng overseas Filipino worker sa Hong Kong na nakita ang bangkay na lumulutang sa dagat malapit sa pier sa distrito ng Tsing Yi.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nagpaalam umano sa amo ang naturang OFW na isang domestic helper na lalabas noong Linggo dahil dayoff nito.

Subalit hindi na nakabalik sa bahay ng kaniyang amo ang OFW na higit 50-anyos umano ang edad.

Ayon kay Foreign Employment and Welfare Services Undersecretary Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers, batay sa lumabas na ulat, ang employer ang nag-report sa pulisya sa pagkawala ng OFW nang hindi ito nakauwi.

Nitong Huwebes, nakita ang bangkay ng naturang OFW na lumulutang sa dagat na malapit sa pier.

Ini-report umano ng mga awtoridad ng Hong Kong sa Department of Foreign Affairs at DMW ang pagkakakita sa bangkay ng OFW. Gayunman, wala pang opisyal na impormasyon sa sanhi ng pagkamatay ng OFW.

Inaalam pa sa imbestigasyon kung may foul play o aksidente ang pagkamatay nito.

Samantala, naipaalam na umano sa mga kaanak ng naturang OFW ang nangyari.

Sinabi ni Cacdac na masusi nilang susubaybayan ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad Hong Kong tungkol sa nangyari sa OFW.

Tiniyak din ng opisyal sa tulong na ibibigay sa pamilya ng OFW, at ang pagpapauwi sa mga labi nito katuwang ang DFA.-- FRJ, GMA Integrated News