Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na isang overseas Filipino worker sa Saudi Arabia ang nahatulan ng bitay. Samantala, nakahanda na umano ang pondong pambayad naman sa mga OFW na hindi napasahod noon ng mga naluging kompanya.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni DMW Undersecretary Hans Cacdac, na nakikipag-ugnayan sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa naturang kaso ng OFW na nasa death row.
Mayroon umanong hinihinging "blood money" ang pamilya ng biktima para hindi mabitay ang OFW na nagkakahalaga ng 30 milyong Saudi riyal.
Ayon sa ulat, sa huling datos ng DFA, nasa 83 Pinoy sa iba't ibang bansa ang nasa death row o nasentensiyahan ng parusang kamatayan.
Tinututukan din umano ng DMW ang naturang mga kaso, gaya ng mga Pinoy na nasa death row sa Malaysia.
Nakatakdang bumisita si Pangulong Bongbong Marcos sa Malaysia sa susunod na linggo.
Samantala, inihayag din ni Cacdac, na nakahanda na umano ang pambayad ng pamahalaan ng Saudi Arabia sa mga OFW na may hinahabol na sahod sa mga nagsarang kompanya noong nagkaroon ng krisis sa naturang bansa.
Ayon sa opisyal, patuloy ang pag-usad ng proseso at inaalam na lang ang pinal na listahan ng mga claimant, halaga na matatanggap at paraan ng pagbabayad. --FRJ, GMA Integrated News
