Umakyat na sa tatlo ang mga Filipino na kabilang sa mahigit 100 tao na nasawi sa wildfires sa Lahaina, Hawaii.
Ayon kay Edna Sagudang, natukoy ang mga forensic expert sa Lahaina ang mga labi ng kaniyang ina na si Conchita, at kaniyang nakatatandang kapatid na si Danilo, na kapuwa tubong-Abra.
Una rito, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs ang pagkasawi ng 79-anyos na si Alfredo Galinato, tubong-Ilocos, dahil sa naturang trahedya sa Hawaii.
Dahil natupok ang maraming bangkay, isinasailalim ang mga ito sa dental at DNA analysis ng mga forensic expert para matukoy ang kanilang mga kamag-anak.
Sa Facebook post ni Edna, nagpasalamat sila sa lahat ng tumulong upang mahanap ang kaniyang ina at kapatid na naninirahan sa Paunau Subdivision sa Lahaina, at kabilang sa mga naunang naitala na nawawala.
"I want to send out a big Mahalo to everyone, especially family and friends, who put in their time and effort to help look for them and have sent us love and prayers," ani Edna.
Sa ngayon, nasa 114 na ang naitalang nasawi sa nangyaring wildfires. Nagtayo na ang Maui Coroner's Office ng command post para sa pagproseso sa mga nakikitang bangkay.
Nagsagawa rin ang American Red Cross ng mass fatality operation para mapabilis ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga biktima.
Tinatayang mayroon pang 1,000 katao ang nawawala, pero wala pa ring detalyadong listahan ang mga awtoridad kung ilan pa talaga ang hinahanap.
Umaasa sila na mababawasan ang bilang ng mga nawawala kapag ganap nang naibalik ang linya ng kuryente at komunikasyon sa lugar, at magawa nang makipag-ugnayan ng mga nawawala sa kanilang mga naghahanap na kamag-anak.—FRJ, GMA Integrated News
