Ligtas ang 50 Filipino teachers na nasa Maui, Hawaii sa ilalim ng exchange program kasunod ng mapaminsalang wildfires na nangyari sa isla, ayon sa isang opisyal Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes.

“Mayroon tayong alam na singkwenta na guro na may J-1 visa doon sa Maui, pero nako-contact na sila. They are safe,” pahayag ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ni De Vega na may 50 Filipino teachers sa Maui ang inaalam ng Philippine Consulate ang kalagayan matapos ang wildfire na nanalasa sa bayan ng Lahaina sa Maui.

Ang naturang mga guro ay mayroong J-1 visas na ibinibigay sa mga dayuhan sa ilalim ng work-and-study-based exchange and visitor programs ng United States.

Tatlo sa kanila ang nakabase sa Lahaina, ayon sa opisyal ng DFA.

Kamakailan lang, iniulat na mayroong tatlong gurong Filipino ang nakaligtas sa wildfires at nasagip din nila ang isang matandang lalaki na kanilang kapitbahay.

Kinilala ang mga guro na sina Heidee Gudao, Maria Christina Espina, at Angelic Gallario.

"We found him carrying just a pillow and a flashlight," ayon kay Gudao tungkol sa sinagip nilang kapitbahay.

Sa ngayong mahigit 100 katao na ang kumpirmadong nasawi sa trahedya, kabilang ang apat na Filipino-Americans.

Mahigit 800 katao pa ang iniulat na nawawala. — FRJ, GMA Integrated News