Inaresto ng mga awtoridad sa Saudi Arabia ang suspek sa pagpatay sa Overseas Filipino Worker (OFW) na si Marjorette Garcia na natagpuang may saksak sa katawan, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Inihayag ito ni DFA Assistant Secretary Paul Cortes, isang araw matapos na kumpirmahin ang pagkamatay ni Garcia, 32-anyos, tubong-Pangasinan.
“The police found her bloodied due to a stab wound, and they rushed her to the hospital where she died. As far as we were told by the [Philippine] Embassy, the suspect has been arrested by the local police, and the case is under investigation,” ayon kay Cortes sa panayam ng state-run news program na Bagong Pilipinas Ngayon.
“The suspect is not a Filipino. It appears that the suspect is her co-worker, but we are still waiting for the results of the investigation. Once the investigation is over, Saudi Arabia [authorities] will work on the documentation so her remains can be repatriated back to the Philippines,” dagdag pa ni Cortes.
Sinabi rin ni Cortes na nakikipag-ugnayan ang DFA, Department of Migrant Workers at Philippinen Embassy officials sa Saudi Arabia sa pamilya ni Garcia.
Ang pamilya ni Garcia sa Dagupan City, Pangasinan, nanawagan ng hustisya para sa biktima, at nais na maiuwi kaagad ang kaniyang mga labi.
"Maya't maya natutulala ako. Minsan naglalakad ako diyan naiiyak na ako. Iniisip ko yung anak kung paano siya pinatay," umiiyak na sabi ni Tita, ina ng biktima sa panayam ng GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes.
Nagtirik sila ng kandila sa tabi ng larawan ni Marjorette habang hinihintay nila na maiuwi ang kaniyang mga labi.
Nagtungo sa KSA si Marjorette para magtrabaho noong 2021 sa hangarin na mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya.
Ang kapatid ni Marjorette na si Dennis, sinabing Setyembre 15 niya nang huling makausap ang kaniyang ate at nagbibiruan pa umano sila sa telepono. -- FRJ, GMA Integrated News